Huwebes, Setyembre 4, 2014

“Kung May Hirap May Ginhawa”


Napakasaya ng aming grupo nang dumating kami sa lugar kung saan nakatakdang ganapin ang aming lakbay–aral. Pagkatapos ng konteng oras na pahinga ay iniutos na ng aming mga guro na palitan ang aming damit ng uniporme na pang-scout. Agad namin itong sinunod sapagkat sabik na sabik na kami na magsimula ang aktibiti. Mababakas sa aming mga mukha ang kasabikan lalo pa’t sinimulan namin sa pagkuha ng litrato na magkakasama kami.

Isa pang dahilan kung bakit kami nasasabik, ay dahil sa bihira lamang mangyari ang ganitong uri ng fieldtrip. Malawak ang sakop ng event na ito sapagkat ito yung tinatawag na National Robermoot. Kung saan, nagbuhat pa sa napakalalayong lugar ang ibang partisipante ng fieldtrip na ito. Narinig pa lamang namin ang salitang national ay may ideya na agad kami na magiging sobrang saya ng event na ito.
Pagkatapos naming maghanda ay ipinayo sa amin na lumabas na ng silid-aralan upang pumila kasama ng iba pang mag-aaral. Syempre pa, hindi naman maaring matapos ang lakbay-aral ng wala kaming nakikilalang bagong kaibigan. Kaya naman habang hindi pa dumarating ang aming tagapagsalita ay sinulit muna namin ang konteng oras upang makipagkilala sa ibang mag-aaral. Alam naman nating lahat na malaking kasiyahan sa ating puso ang magkaroon ng mga kaibigan. Higit pa sa lahat, malaki din ang naitulong ng mga bago naming kakilala sapagkat madami kaming napulot na aral buhat sa mga kwentong kanilang ibinahagi sa amin.
Makaraan ang ilang sandali ay pinaayos na kami  ng pila upang makapagsimula na ang tagapagsalita. Sa simula pa lamang ng event na ito ay madami na kaming natutunan sa mga pananalitang binitiwan ng tagapagsalita. Dito rin ay mas natutunan naming igalang at pahalagahan kung ano at sino ang aming mga makakasama. Nakatulong ang mga paalalang ito kung paano namin pakikitunguhan ang ibang mag-aaral na iba ang lenggwahe at tono ng pagsasalita.
Matapos ang panimulang programa ay ipinaliwanag na sa amin ng aming mga kasamang guro ang mga aktibiti na kailangan naming gawin at tapusin. Nabigla kami sa aming narinig sapagkat kakaiba ito sa inaakala namin. Ang buong akala namin ay katulad ito ng mga datihang fieldtrip na sinamahan namin. Yun tipong ang mga aktibiti ay maglalaro kami sa putikan. Ang lahat pala ay hanggang akala lamang dahil napakalaki ng pagkakaiba nito sa ibang fieldtrip. Ang Robermoot palang ito ay kailangan naming magbanat ng buto. Wala naman kaming magagawa kundi ang tanggapin ito. 
Hindi dahil sa ito’y trabaho sa aming paningin, ay hindi na kami maaring sumaya. Ginawa namin lahat ng gawain na masaya at nakangiti kahit nasa ilalim kami ng matinding sikat ng araw. Mahirap naman talaga ito kung iisipin dahil bukod sa mabigat ang dalahin ay nakakahilo din ang pagbalikbalik para humakot ng lupang pantambak. Kahit na tumutulo ang pawis sa aming mga mukha ay hindi kami maaring tumigil sapagkat kailangan naming patunayan at panindigan na isa kaming tunay na scout. Hindi kami nagpatalo sa hirap na aming dinanas dahil mas nanalo sa aming mga puso ang kasiyahan. Kasiyahan na habang buhay naming dadalahin sa aming mga puso na may isang lugar kaming natulungan upang mapaganda, at ito ay sa  Calaca,Batangas.
Alam naman nating mga Pilipino na “kung may hirap ay may ginhawa”. Pagkatapos nga ng lahat ng aming paghihirap ay hindi ipinagkait ng aming mga butihing guro na makaranas naman kami ng kaginhawaan. Kaya matapos ang araw ng aming lakbay-aral ay ginugol namin ang aming oras sa pamamasyal. 
Dinala kami ng aming guro sa simbahan ng San Rafael Church sa Calaca,Batangas. Itinuro niya sa amin kung ano ang tawag sa mga santong nakatayo sa likod ng simbahang ito. Marami siyang ibinahaging kwento tungkol sa simbahang ito. Hindi namin sinayang ang sandaling panahon na nakapunta kami dito lalo pa’t ito ay aming unang pagkakataon. Sinabi sa amin ng aming guro na kapag humiling kami sa santo ni Rafael ay matutupad ang aming kahilingan. Kaya lahat kami ay taimtim na nagdasal dito bago kami tumungo sa sunod na lugar kung saan nakatakda din ang aming pamamasyal.
Sunod naming tinungo ang isang korporasyon ng kuryente na nagsusuplay  sa maliit na bahagi ng Calaca. Pinahintulutan kaming magmasid kung ano ang naroroon sa loob ng korporasyon na ito. Dito ay nakita namin ang napakalalaking makina na ginagamit para magsuplay ng kuryente

Nahirapan man kami sa unang bahagi ng lakbay-aral ay hindi pa rin namin masasabing boring. Sapagkat napawi ito sa tulong ng aming mga paglalakbay sa ilang bahagi ng Calaca.